Ang pagtawag ng Malacañang sa pamumuno ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte sa Department of Education bilang isang “complete failure” ay isang mabigat ngunit makatarungang paghusga. Sa loob ng halos dalawang taon, hawak niya ang pagkakataon at kapangyarihang baguhin ang sistema ng edukasyon—ngunit ang iniwan niya ay parehong mga reklamo na siya mismo ngayon ay inuungkat.
Kung tunay na nais ni Duterte na makita ang pagbabago, dapat sana ay pinangunahan niya ito habang siya ang nakaupo sa posisyon. Hindi sapat ang pagtuturo ng sisi matapos bumitaw sa tungkulin. Ang kanyang pahayag na “paper and pencil level” ang edukasyon sa bansa ay hindi bago; matagal na itong hamon. Ang tanong: ano ang kanyang kongkretong ginawa upang itaas ang antas ng kalidad ng edukasyon?
Mahalagang paalalahanan na ang liderato ay sinusukat hindi sa dami ng reklamo, kundi sa mga resulta ng aksyon. Ang pagkukumpara sa ibang bansa na nakatutok na sa robotics at coding ay isang pagpapaalala na lalo lamang nagpalalim sa pagkukulang ng kanyang pamumuno.
Sa huli, ang edukasyon ay hindi larangan ng retorika kundi ng tunay na reporma. Kung ang isang lider ay bigong maglatag ng malinaw na direksyon at kongkretong solusyon, natural lamang na tawagin itong kabiguan. Ang kapalpakan sa DepEd ay hindi dapat ipasa sa iba; ito ay pananagutan ng naging pinuno mismo.
