Ang panukalang mandatory drug test ni Senador Robin Padilla para sa lahat ng halal at itinalagang opisyal ng gobyerno ay isang hakbang na sa unang tingin ay tila makabubuti, ngunit sa masusing pagsusuri ay malinaw na labag sa Saligang-Batas.
Hindi maaaring ipatupad ang ganitong uri ng sapilitang pagsusuri sapagkat nilalabag nito ang karapatang pantao, partikular ang right to privacy, gaya ng nilinaw ng Korte Suprema sa kaso ng Social Justice Society vs. Dangerous Drugs Board noong 2008.
Tama lamang ang pahayag ng Malacañang: ang universal at mandatory testing ay hindi lamang kontra-konstitusyonal, kundi isa ring pag-aaksaya ng oras at pondo ng gobyerno. Kung ipipilit ito, malinaw na babangga ito sa umiiral na legal na pamantayan at tiyak na maaaksaya lamang ang buwis ng mamamayan.
Ngunit hindi nangangahulugang walang dapat gawin laban sa problema ng ilegal na droga sa gobyerno. Ang mas praktikal at legal na solusyon ay ang pagpapatupad ng random drug testing—hindi lamang ito konstitusyonal, kundi mas epektibo rin dahil element of surprise ang nagiging sandata laban sa mga gumagamit.
Kung tunay na nais ni Senador Padilla ang malinis na pamahalaan, dapat niyang igalang ang umiiral na batas at huwag gawing palabas ang panukala. Ang mabisang reporma ay nakabatay sa matalinong panukala, hindi sa populistang retorika.
