NCRPO Laban sa  Kriminalidad

Ang mabilis na operasyon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na nagresulta sa pagkakaaresto ng 220 katao sa loob lamang ng 24 oras ay karapat-dapat kilalanin at pahalagahan.

Sa panahong madalas punahin ang kapulisan dahil sa mga pagkukulang at kontrobersiya, nararapat ding bigyan ng pansin ang kanilang mga tagumpay na tunay na nakikinabang ang taumbayan.

Ang bilang ng mga nahuli—mula sa 61 na wanted persons, 45 sa kasong droga, 44 sa iligal na sugal, tatlo sa loose firearms, at 67 sa iba’t ibang paglabag—ay malinaw na ebidensya ng mas pinaigting na operasyon laban sa kriminalidad. Ang hakbang na ito ay sumasalamin sa direktiba ng PNP Chief na palakasin ang mabilis at responsableng serbisyo publiko.

Bagama’t ang isang araw na operasyon ay hindi pa sukatan ng pangmatagalang kapayapaan, ito ay mahalagang paalala na kaya ng kapulisan na kumilos nang mabilis at sistematiko kapag may malinaw na direksyon at determinasyon.

Ang pahayag ni NCRPO Chief Major General Anthony Aberin na walang uri ng kriminalidad ang dapat palampasin ay nagsisilbing inspirasyon upang ipagpatuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng batas.

Sa huli, ang pagpupunyagi ng NCRPO ay dapat magsilbing huwaran para sa lahat ng yunit ng pulisya sa bansa—na sa bawat hakbang laban sa kriminalidad, mas nagiging ligtas ang ating mga komunidad.

BACK HOME