Cavite bahain, Mamamayan Ininsulto

Nakakainsulto sa mamamayan ng Cavite ang mga proyektong pang-flood control na halos walang saysay. Sa halagang ₱7.4 bilyon na inilaan ng DPWH at pinalaki pa hanggang ₱22.03 bilyon sa tulong ng JICA loan, bakit hanggang ngayon, ang bawat bayan at lungsod sa Cavite ay lulubog pa rin sa baha tuwing bumubuhos ang ulan?

Ito ba ang sinasabing “infrastructure legacy”? O isa lamang itong garapalang paglustay ng kaban ng bayan? Ang masakit, tila pinipili lamang ng Pangulo kung anong lugar ang bibigyang pansin. Bakit hindi isinama ang kabuuan ng Cavite sa kanyang inspeksiyon? Bakit tila pinapaboran ang mga makapangyarihang pamilya na malapit sa kanyang administrasyon?

Sa bawat pagbaha, hindi lang kalsada ang nalulubog—kundi pati ang tiwala ng tao sa pamahalaan. Tahimik ang mga lokal na opisyal. Wala ni isang matapang na umamin o umako ng pananagutan. Hanggang kailan magbubulag-bulagan ang Malacañang?

Noong SONA, nagyabang ang Pangulo na papanagutin ang mga magnanakaw ng pondo. Ngunit ngayon, ang mismong listahan ng mga flood control projects ay mistulang ebidensya ng kapabayaan at katiwalian. Kung hindi maipapakita kung saan napunta ang bilyong-bilyong piso, malinaw: ang tunay na baha sa Cavite ay hindi ulan kundi korapsyon.