Milyon Nawala, Barya Kabayaran

Ang hatol ng Sandiganbayan laban kay Janet Napoles at ilang kasabwat ay muling nagpapaalala sa atin ng matagal nang sugat ng bansa—ang walang habas na pagnanakaw sa kaban ng bayan sa pamamagitan ng pork barrel o PDAF.

Sa kasong ito, P7.55 milyon ang nawaldas na pondo na dapat sana’y nakatulong sa mga magsasaka at komunidad, ngunit napunta lamang sa mga bulsa ng iilang tiwaling opisyal at pekeng NGO.

Ang parusang ipinataw—mahahabang taon sa kulungan at mabibigat na multa—ay nararapat at makatarungan. Ngunit sapat ba ito?
Nakakainsulto sa taumbayan na habang si Napoles at mga kasabwat ay haharap sa sentensya, si dating kongresista Mark Douglas Cagas IV ay nakalusot sa mas magaan na kasunduan sa pamamagitan ng plea bargain.

Ang halagang P32,000 bilang kabayaran sa krimen na tumumbas sa milyon-milyong piso ay malinaw na kabalintunaan at tila pangungutya sa hustisya.
Paano naging patas na ang mga kasamahan ay mabilanggo ng dekada, samantalang ang pangunahing nakinabang ay nagbayad lamang ng katiting?

Ito ay hindi lamang usapin ng paghatol sa isang kaso, kundi ng pananagutan ng buong sistemang pumapayag sa ganitong kompromiso.

Kung ang may impluwensya ay makakaligtas sa pamamagitan ng teknikalidad o bargenyo, mananatiling bulok ang ating katarungan. Kailangang igiit ng taumbayan ang mas malinaw at pantay na pamantayan ng hustisya.

Ang krimen laban sa bayan ay hindi dapat naitatabunan ng maliit na multa at kasunduan. Ang ganitong kalakaran ay dapat tuluyang wakasan—kung tunay ngang seryoso tayo sa laban kontra korapsyon.