Malinaw at matalim ang paalala ni Cardinal Luis Antonio Tagle: ang pagkaganid at kawalan ng pananagutan ang nagiging ugat ng pagkasira ng ating kapaligiran, kabuhayan, at lipunan.
Hindi na bago ang kanyang sinabi, ngunit masakit isipin na hanggang ngayon ay tila bingi ang marami sa mga pinuno at mamamayan.
Kaunting ulan lamang, bumabaha na; maliit na pagkukulang, nagiging malawak na trahedya. Lahat ng ito ay hindi simpleng likas na sakuna kundi bunga ng kapabayaan at kasakiman.
Ang tinukoy niyang “kamay na matitinik” ay hindi lamang makataong paglalarawan. Ito ay malinaw na kritisismo laban sa mga nasa kapangyarihan—mga opisyal na inuuna ang sariling bulsa kaysa kapakanan ng bayan.
Kahit gaano kalaki ang pondo o proyekto, kapag dumaan sa kamay ng tiwali, ang biyaya ay nauuwi sa gutom at paghihirap.
Ganito rin ang nangyayari sa mga programang dapat sana’y sumasagot sa pangangailangan ng mahihirap: nagiging pataba sa bulsa ng iilan, habang ang nakararami ay lalo pang nagdarahop.
Dapat itong magsilbing maugong na alarma. Ang hamon ay hindi lamang relihiyoso kundi moral at panlipunan.
Hindi sapat ang relihiyosong sermon kung hindi ito maisasalin sa konkretong aksyon ng pamahalaan at mamamayan.
Kailangang igiit ang pananagutan, wakasan ang kultura ng katiwalian, at itaguyod ang tunay na pangangalaga sa kalikasan.
Sapagkat habang nananatiling gahaman at iresponsable ang mga namumuno, ang ating lupa, dagat, at kinabukasan ay patuloy na magiging tinik na sasakit sa susunod na henerasyon.
