Korapsyon Walang Hanggan

Ang pag-amin na may mga anomalya sa flood control projects ay hindi na bago, ngunit ang sinabi nina Senador Erwin Tulfo at Jinggoy Estrada ay muling naglalantad ng malalim na sugat ng korapsyon sa bansa. Ang sistemang dapat magligtas ng mamamayan laban sa baha ay siya pang ginagawang gatasan ng mga pulitiko at kontraktor. Sa halip na depensa laban sa kalamidad, naging negosyo ng iilan ang proyekto.

Nakakabahala ang ulat na may P5.9 bilyong “ghost projects” sa Bulacan—paanong nagiging posible ang ganitong kalakaran kung walang mataas na opisyal na kasabwat? Ang pagtuturo lamang sa mga district office o contractor ay hindi sapat. Kung tunay na seryoso ang Senado, dapat ipakita na wala silang kinikilingan—kongresista, gobernador, o mayor man.

Ang tinatawag na parliamentary courtesy ay madalas nagiging pananggalang ng mga mambabatas upang umiwas sa pananagutan. Kung ang mga kontraktor ay maaaring pilitin na maglabas ng pangalan, bakit ang mga opisyal na halal ay tila ligtas? Ang hustisya ay hindi dapat nakabatay sa ranggo kundi sa katotohanan.

Sa huli, ang laban sa katiwalian ay susubukin kung may tapang ba ang Senado na pangalanan at papanagutin ang kapwa nila nasa poder. Kung hindi, mananatiling hungkag ang mga imbestigasyon at ang bayan na naman ang babaha—hindi ng ulan, kundi ng matinding pagkadismaya.

BACK HOME