Dangal Bago Bulsa

Ang paalala ni AFP Chief General Romeo Brawner Jr. laban sa lahat ng anyo ng korapsyon sa loob ng militar ay dapat seryosohin—hindi lamang bilang panloob na panuntunan kundi bilang sukatan ng integridad ng isang institusyong itinuturing na haligi ng pambansang seguridad. Ngunit ang katotohanan, paulit-ulit na rin nating naririnig ang mga pahayag na ito, at madalas ay nananatiling salita lamang.

Ang katiwalian sa hanay ng mga opisyal ng gobyerno, kabilang na ang ilang nasa unipormadong serbisyo, ay hindi na bago. Ang pagbebenta ng pabor, kontrata, at impluwensya ay matagal nang sakit na nagpapahina sa tiwala ng taumbayan. Kung seryoso ang AFP sa kampanya nito laban sa korapsyon, dapat itong magpakita ng kongkretong aksyon: mabilis na imbestigasyon, patas na paglilitis, at agarang pagpaparusa—kahit sino pa ang masangkot.

Ang paggamit ng uniporme at bandila bilang simbolo ay walang saysay kung hindi kayang panindigan ang dangal na kaakibat nito. Ang mga sundalo ay inatasang maglingkod para sa bayan, hindi para sa sariling bulsa.

Tunay na pagsubok ngayon ang hamon na ito: kayang bang linisin ng AFP ang sariling hanay at ipakita na higit ang kanilang katapatan sa taumbayan kaysa sa mga tiwaling nakikinabang? Ang pagiging sundalo ay hindi pribilehiyo, kundi sagradong pananagutan.

BACK HOME