Hustisya sa Sabungero

Ang matagal na pagkukulang ng Department of Justice (DOJ) sa pag-turn over ng mga pinaghihinalaang labi mula sa Taal Lake ay malinaw na sumasalamin sa kahinaan ng ating sistemang panghustisya.

Kung seryoso ang pamahalaan sa paghahanap ng katotohanan kaugnay sa pagkawala ng mga sabungero, bakit tila napakabagal ng koordinasyon? Ang bawat araw na lumilipas ay pagyurak sa karapatan ng mga pamilya na makaalam ng katotohanan at makamit ang katarungan.

Tama si Dr. Raquel Fortun sa kanyang panawagan: ang pagsusuri ay dapat maging siyentipiko, sistematiko, at alinsunod sa tamang chain of custody. Kung ang mga labi ay patuloy na mababalam, nabubulok, o mahahawakan nang mali, nawawala ang integridad ng ebidensiya—isang malinaw na insulto sa proseso ng hustisya.

Hindi rin ligtas sa kritisismo ang Bureau of Corrections (BuCor). Ang kanilang kakulangan sa agarang pagdadala ng mga bangkay para sa pagsusuri ay nagpapakita ng kawalan ng malasakit. Ang “selective referral” ay nagbubukas ng tanong kung may tinatago ba sila.
Ang pag-embalsamo at pagtatago sa funeral parlor ay hindi lamang nakasisira sa forensic value, kundi tila sinasadyang hadlangan ang katotohanan.

Kung tunay na nais ng DOJ at BuCor na maresolba ang kaso ng mga nawawalang sabungero at ang serye ng pagkamatay ng mga PDL, kinakailangang magkaroon ng bagong polisiya, malinaw na sistema, at mabilis na aksyon. Hindi sapat ang pahayag—ang hustisya ay nangangailangan ng konkretong kilos ngayon.