Tahasang inihayag ni Senador Panfilo “Ping” Lacson tungkol sa mga maanomalyang flood control projects sa Bulacan ay nagpapakita ng matagal nang sugat sa ating sistemang pampubliko—ang walang habas na katiwalian.
Ang pagkakatulad ng halaga ng 28 proyekto, tig-P77 milyon, ay hindi simpleng pagkakamali ng accounting; ito ay malinaw na disenyo ng isang sindikatong matagal nang namamayani sa loob ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ang tinatawag na “coded budget” ay patunay ng kultura ng kasakiman, kung saan ang pondo ng bayan ay ginagawang personal na kaban ng mga tiwaling opisyal at kontraktor. Masakit isipin na ang pondong dapat sana’y nagliligtas ng mga buhay laban sa baha ay nauuwi sa bulsa ng iilan.
Ang resulta: ghost projects, substandard na istruktura, at mas matinding peligro para sa mga komunidad na paulit-ulit na binabaha.
Hindi sapat ang pagbubunyag ng pangalan at lugar. Ang panawagan ay dapat tuwirang aksyon—imbestigasyon, kasong kriminal, at kongkretong parusa sa mga sangkot. Kung mananatiling papel lamang ang privilege speech ni Lacson, isa na naman itong madadagdag sa listahan ng mga kasong nauuwi sa wala.
Ang Bulacan ay halimbawa lamang; ngunit kung hindi ito masusugpo, magiging hudyat ito na ang sindikato sa DPWH ay mas malakas kaysa sa batas. Dapat ipakita ng pamahalaan na walang puwang ang katiwalian, lalo na kung kapalit nito ay buhay at kaligtasan ng mamamayan.
