Flood Control: Negosyo ng Pulitiko

Ang anomalya sa mga flood control project ay hindi lamang usapin ng maling paggastos ng pera ng bayan—ito’y malinaw na pang-aabuso sa kapangyarihan at pagtatraydor sa tiwala ng taumbayan. Kung totoo ang pahayag nina Senador Erwin Tulfo at Jinggoy Estrada, na hindi lang mga kongresista kundi pati na rin mga gobernador at mayor ang nasasangkot, malinaw na ang bulok na sistema ay umabot na sa pinakamalalim na antas ng pamahalaan.

Hindi sapat ang mga pasaring o pasilip ng impormasyon sa radyo at hearing. Ang kailangan ay matibay na aksyon—pangalanan, litisin, at parusahan ang mga politiko at kontraktor na nagnakaw sa kaban ng bayan gamit ang mga proyektong huwad. Ang tinutukoy na P5.9 bilyong “ghost projects” ay hindi maliit na halaga; iyan ay dugot pawis ng bawat Pilipinong nagbabayad ng buwis.

Ang pagbabalat-kayo ng “parliamentary courtesy” ay hindi dapat maging balakid sa paghahanap ng katotohanan. Ang Senado ay dapat manindigan at ipakita na walang sinuman—maging kaalyado o kasamahan sa politika—ang maaaring maging ligtas sa imbestigasyon.

Panahon na upang putulin ang koneksyon ng mga pulitiko at kontraktor na ginagamit ang mga proyekto bilang personal na negosyo. Kung tunay na seryoso ang Senado, dapat nitong ipakita na kayang magpataw ng hustisya, kahit sino pa ang masabit.